BalitaanMo!

BalitaanMo!
balitaanmo!

Saturday, February 2, 2013

250,000 Twitter accounts, na-hack sa cyber attack

Hindi nakaligtas ang microblogging website na Twitter sa serye ng cyber attacks laban sa ilang US institutions.

Kinumpirma ng Twitter sa kanilang blog post na 250,000 accounts ang naapektuhan makaraang ma-hack ang kanilang site.

Na-access umano ng hackers ang ilang impormasyon ng users kagaya ng mga pangalan at email addresses.

Ayon sa kompaniya, noong nakaraang linggo nang una nilang ma-detect ang cyber attack kaya't naglunsad ng imbestigasyon.

"This week, we detected unusual access patterns that led to us identifying unauthorized access attempts to Twitter user data. We discovered one live attack and were able to shut it down in process moments later," ani Bob Lord, director of information security ng Twitter. "However, our investigation has thus far indicated that the attackers may have had access to limited user information."

Kaugnay nito ay ni-reset ng Twitter ang passwords ng mga apektadong user at ni-revoke ang session tokens kung saan ang isang user ay maaaring maka-log in kahit hindi na kailangan na isulat pa muli ang password.

Pinadalhan ng email ang mga apektadong users upang i-reset ang kanilang passwords.

Ang cyber attack laban sa Twitter ay kasunod ng reklamo rin ng New York Times at Wall Street Journal na biktima rin ang mga ito ng cyber attack.

Isinisi ng dalawang pahayagan sa China ang pang-aatake laban sa kanilang website.

Ang Washington Post at Bloomberg News ay inanunsyo na rin na tinarget din sila ng kahalintulad na cyber attack.

Bagama't hindi tinukoy ng Twitter ang China, ginawa naman nilang reference ang nangyari sa nabanggit na mga news organizations.

Sinabi ni Lord na hindi kagagawan ng amateur ang naturang pang-aatake at hindi rin umano sila naniniwalang isolated incident lamang ang nangyari.

"This attack was not the work of amateurs, and we do not believe it was an isolated incident. The attackers were extremely sophisticated, and we believe other companies and organizations have also been recently similarly attacked," dagdag pa ni Lord. (CNN)



No comments:

Post a Comment