BalitaanMo!

BalitaanMo!
balitaanmo!

Sunday, February 3, 2013

Pangmatagalang rehabilitasyon at proteksyon ng Tubbataha Reef, tiniyak ng US

Tiniyak ng gobyerno ng Amerika ang pangmatagalang pakikipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng rehabilitasyon at proteksyon ng Tubbataha Reef kasunod ng pagsadsad ng USS Guardian.

Sinabi ng US sa isang pahayag na ang nangyaring pagsadsad sa Tubbataha ay pagkakataon para bigyang pansin ang bilateral cooperation sa siyensya at teknolohiya upang protektahan ang marine resources ng bansa.

"Coral reefs in the Philippines, including the Tubbataha Reef, are some of the most important biodiversity centers in the world, and helping the Philippines conserve these remarkable resources is a long-standing commitment of the United States Government," ayon pa sa pahayag.

Bukod sa pagbabayad sa danyos, ilang hakbang din ang ipapatupad ng Amerika matapos ang insidente.

Kabilang na rito ang pakikipagpulong ng US Embassy sa mga lokal na coral reef conservation experts ukol sa mga paraan kung paano mapapangalagaan ang Tubbataha Reef.

Makikiisa sa roundtable discussion ang U.S. Agency for International Development (USAID), U.S. National Oceanic and Atmospheric Agency (NOAA), mga kaukulang Philippines agencies, at Tubbataha Management Office (TMO).

Maglalaan din ng P4.1 milyon ang USAID sa isang unibersidad sa Pilipinas para sa coral restoration research ng naturang heritage site.

Isang U.S. interdisciplinary scientific team din ang makikipag-ugnayan sa gobyerno ng bansa para repasuhin ang mga coral reef rehabilitation options sa Tubbataha, ayon sa pag-aaral ng mga lokal na marine scientists.

Bukod pa ito sa isang site survey na gagawin para naman sa pagpapainam ng kalagayan ng ranger station sa Tubbataha. Posibleng magkaroon ng radar at communications equipment na maaaring magamit ng Park Rangers at Philippine Coast Guard (PCG).

Magsasagawa rin ng hydrographic survey data ang US sa tulong ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) ng bansa para ma-improve pa ang cartographic information ng Tubbataha.

Sa nakaraang dekada, naglaan na ng P1.9 bilyon ang US para sa marine biodiversity conservation programs sa Pilipinas.



No comments:

Post a Comment