BalitaanMo!

BalitaanMo!
balitaanmo!

Saturday, February 2, 2013

Mock polls, sinalubong ng ilang aberya

 Hindi tinanggap na balota, sunog at reklamo sa magulong listahan ng mga botante ang ilan sa mga aberyang sumalubong sa isinagawang mock elections ng Commission on Elections ngayong Sabado. 

Sa pag-arangkada ng mock polls sa UP-Integrated School sa Quezon City, nasaksihan mismo ni Comelec Chairman Sixto Brillantes kung paanong hindi tinanggap ng precinct count optical scan (PCOS) machine ang balotang ipinapasok dito.

Sinubukan ng mga board of election inspectors (BEI) na ipasok sa apat na posibleng paraan ang balota sa makina ngunit hindi ito nagtagumpay.

Higit 10 minuto ring naantala ang proseso dahilan upang ilatag ang contingency plan at palitan ang makina.

PCOS din ang naging problema sa mock election sa Misamis Occidental, Misamis Oriental at Cagayan De Oro kung saan bigo ang makinang mag-transmit ng boto.

Ayon kay Comelec Commissioner Grace Padaca na personal na nagmasid sa mock elections sa mga naturang probinsiya, itatama nila ang mga problemang dulot ng PCOS.

Sa mga litrato namang ipinadala ng isang Bayan Patroler mula Baseco sa Tondo, Maynila, kitang kinailangan pang ilabas ng silid ng board of election inspectors ang PCOS para makakuha ng signal.

Tumulong na rin ang kinatawan ng Comelec dahil ilang beses hindi nakapag-transmit ang makina.

Sa panayam ng Radyo Patrol sa unang botante sa P. Bernardo High School sa QC na si Bernardina Ruelo, 50-anyos, sa kabuuan maayos at naging madali ang kanyang pagboto.

Ngunit may suhestyon si Ruelo ukol sa unang hakbang.

"Mahirap maghanap ng pangalan kasi rumble s'ya. Sa isang barangay, isang presinto, (dapat may) isang listahan," panukala pa nito.

Dahil umano sa clustered precinct ang pinagbotohan niyang presinto, pinagsama-sama ang mga pangalan ng botante mula sa limang presinto dahilan upang matagalan siyang mahanap ang kanyang pangalan.

Isang bahagi naman ng ikalawang palapag ng gusali sa City Central School sa Cagayan de Oro City ang nasunog alas-7:25 kaninang umaga.

Dahil dito, bahagyang nagkagulo ang daloy ng mock elections na isinasagawa sa unang palapag ng gusali dahil sa usok na lumabas mula sa laboratory room ng paaralan.

Agad na gumamit ng fire extinguisher ngunit hindi ito naging sapat at tumawag na ng kawani mula sa Bureau of Fire Protection (BFP)

Natuloy naman ang operasyon ng mock polls matapos.

Sa kabuuan, 10 lugar sa buong bansa ang lumahok sa mock elections ng Comelec.

Iniimbestigahan na ang dahilan ng sunog.

Brillantes: Mock election, naging maayos sa kabuuan

Nanindigan naman si Comelec Chairman Sixto Brillantes na naging maayos sa kabuuan ang mock elections sa kabila ng ilang aberya.

Ayon naman kay Comelec spokesperson Atty. James Jimenez, naging problema ang kulot na dulong bahagi ng balota.

"Pero ito lang, kailangan natin yung buong sistema... ang resulta ng pagtingin natin dito ang balota ang may problema pero kailangan nating tingnan ang makina," ani Jimenez.

Sa aktwal na eleksyon, tiniyak ni Jimenez na kung sakaling mangyari ang ganitong senaryo sa 81,000 PCOS machines, mayroon silang higit 2,000 reserba para maging contingent machines.

Sinabi naman ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Chairperson Tita de Villa na mabuti na ring nakita na ngayon ang ilang aberya para maitama at maiwasan na sa mismong araw ng halalan sa Mayo.

"I'm actually happy. While I was initially nervous, I'm glad it happened because you saw there's a contingency plan in place," ang pahayag ni de Villa sa panayam ng ABS-CBN News Channel.

Alas-7:00 ng gabi magsasagawa ng random audit ang board of canvassers para mabatid kung magtutugma ang bilang ng PCOS sa nakasaad sa balota.


Depende sa kalalabasan, sinabi ni Brillantes na posibleng magsagawa sila ng panibagong mock elections.





No comments:

Post a Comment